
Pinangunahan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal – Ikalawang Rehiyon, sa pamamagitan ng Dibisyon ng Pagpapaunlad ng Kakayanan ng Pamahalaang Lokal (LGCDD), ang matagumpay na paglulunsad ng pinahusay na bersyon ng Enhanced Disaster Online Reporting and Monitoring System (eDORMS) sa ilalim ng OPERATION LISTO: PREPARE 2025 - Planning for Resiliency and Promoting Awareness, Readiness, and Empowerment of the Community noong ika 24 - 25, 2025 sa pamamagitan ng online Zoom Conference at personal na pagsasanay sa Boulevard Town Square ng The Sophia Hotel sa lungsod ng Cauayan, sa lalawigan ng Isabela.
Ang mga nasabing aktibidad ay dinaluhan ng mga Cluster Heads at Cluster Staff, Provincial Focal Persons, at City at Municipal Local Government Operations Officers mula sa mga panlalawigang tanggapan ng DILG Rehiyon Dos. Layunin nito na palakasin ang kakayahan at kahandaan ng mga kawani ng panlalawigang tanggapan at mga lokal na pamahalaan sa mga kalamidad dahil na rin sa lumalalang banta dahil sa pagbabago ng klima. Tampok sa programa ang pagtalakay sa mas epektibong bersyon ng eDORMS, at mga mahahalagang diskusyon patungkol ng pagtugon sa mga sakuna.
Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyan diin ni Rehiyong Patnugot Ma’am Agnes A. De Leon, CESO IV, ang kahalagahan ng maagap at tamang pag-uulat sa epektibong pagtugon sa sakuna at kalamidad, kasabay ng malugod na pagkilala bilang kauna-unahang rehiyon na nagsagawa ng pagsasanay sa pinahusay na eDORMS para sa taong kasalukuyan.
Tinalakay ng mga kinatawan mula sa Northern Luzon PAGASA at DILG Central Office Disaster Information Coordinating Center (CODIX) hinggil sa mga hazard, panganib ng klima, at bagong panuntunan sa pag-uulat sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Memorandum Circular No. 1, Series of 2025.
Sa pagtatapos ng aktibidad, pinuri ni Kawaksing Panrehiyong Patnugot Elpidio A. Durwin, CESO IV, ang aktibong partisipasyon ng mga kalahok at nanawagan para sa patuloy na pagpapaigting ng kahandaan sa sakuna tungo sa mas ligtas at matatag na mga pamayanan.