
LUNGSOD NG TUGUEGARAO, CAGAYAN — Nagsagawa ng Blood Letting Activity ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) Rehiyon Dos katuwang ang Kagawaran ng Kalugusan (DOH), Cagayan Valley Medical Center (CVMC) at DILG R2 Employees’ Union noong ika-4 ng Agosto, 2023.
Nasa 24 na supot ng dugo ang naipon ng Kagawaran mula sa mga kawani ng DILG, Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNP R2), at Kawanihan ng Pamamahala ng Bilangguan at Penolohiya (BJMP R2). Ipinakita ng bawat isa ang kanilang pagmamalasakit sa kalusugan at kapakanan ng kanilang mga kapwa kawani.
Layunin ng aktibidad na makapagbukas ng account ang DILG R2 sa CVMC Bloodbank upang makatulong sa mga kawani nito at sa mga iba pang nangangailangan at makikinabang dito. Ang naturang gawain ay itinuturing na pagkakataon ng bawat isa na maging bayani sa pamamagitan ng pagbibigay ng dugo para sa mga nangangailangan.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Ive Saludez, Hepe ng Dibisyon ng Pangasiwaan at Pananalapi, ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga nakiisa sa marangal na gawaing ito. Pinahalagahan niya na ang pakikipagtambalan ng DILG R2 ay katuparan ng matagal na pangarap ng Kagawaran para sa sama-samang pagsusumikap na ang dugong nalikom ay makakapagligtas ng mga buhay sa anumang oras.