TUGUEGARAO CITY, CAGAYAN - Matagumpay na isinagawa ng DILG Region II noong Setyembre 17, 2021 at Setyembre 24, 2021, sa pamamagitan ng Bantay- Korapsyon Regional Operations Unit (BK-ROU), ang pagpapatuloy ng Pagpapaunlad ng Kakayahan ng mga Lokal na Sanggunian para sa kanilang Kapangyarihang Quasi-Judicial, partikular na sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Sto. Niño, Cagayan sa pamumuno ni Vice Mayor Marites Cuntapay, at sa Sangguniang Bayan ng Diffun, Quirino sa pangunguna ni Vice Mayor Cesar Agustin.

Sa pambungad na salita at pagbibigay-salaysay ni Dir. Elpidio A. Durwin, CESO IV, Kawaksing Direktor Panrehiyon ng tanggapan patungkol sa aktibidad, binigyang-diin niya ang kahalagan ng pagpapaunlad ng kapangyarihang Quasi- Judicial ng mga Sangguniang Bayan sapagkat ayon sa kanya ay isa ito sa mga kapangyarihang malimit na nabibigyang-pansin sa kanilang antas.

Dagdag pa niya na kailangang bigyan ng importansya ang nasabing pantas-aral upang lalong madagdagan ang kanilang kaalaman sa paglilitis ng mga kasong pang-administratibo na kinasasangkutan ng mga nahalal na opisyal ng barangay.

Bukod sa pagbibigay-kaalaman ng mga miyembro ng BK ROU sa mga Sangguniang Bayan ng Sto. Niño, Cagayan, inimbitahan rin ng Panrehiyong Tanggapan si Atty. Julie Rose G. Castañeda, Attorney IV, NIA- MARIIS Region 02, bilang panauhing tagapagsalita sa usapin patungkol sa saklaw ng kapangyarihang Quasi-Judicial ng mga Lokal na Sanggunian.

Binubuo ng pantas-aral ang Paglalahad ng Kapangyarihang Quasi-Judicial, Mga Dapat Tandaan sa Pagsasagawa ng Administratibong Imbestigasyon, Talakayan tungkol sa Saklaw o Hurisdiksyon ng Sangguniang Bayan, Pagtalakay sa Internal Rules of Procedure, at Mga Batayan sa Legal Writing.

Para sa ikalawang sesyon ng aktibidad, nagsagawa ng Synthesis and Simulation ang BK ROU para sa Sangguniang Bayan sa pamamagitan ng mock trial o pangkaraniwang sesyon ng sanggunian sa pagdinig ng mga kasong pang-administratibo.

Matatandaan na una nang nagsagawa ang Bantay Korapsyon Team ng Pagpapaunlad ng Kakayahan ng mga Lokal na Sanggunian para sa kanilang Kapangyarihang Quasi-Judicial sa Sangguniang Bayan ng Sabtang, Batanes noong Abril 07, 2021 at sa Sangguniang Bayan ng Aglipay, Quirino noong Mayo 14, 2021.

Mananatili namang online o virtual ang pantas-aral bilang pagtupad ng mga nakalathalang panuntunan habang may pandemya.

Samantala, ipagpapatuloy ng tanggapan na magsagawa ng mga aktibidad ukol sa kapangyarihan o kapasidad ng mga lokal na Sanggunian sa mga bayan ng Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya at Angadanan, Isabela. 

(PINAGMULAN: BK LEGAL COORDINATOR DIANNE HANNALY AQUINO)

RDsCorner

ARDsCorner

PAGASA Weather Update

GAD Corner

Anti-Red Tape

Advance Fee Scam